Noong Marso 19, 2013 nito lang nakaraang martes ay lumagak ako sa VMMC [Veterans Memorial Medical Center] dahil sa aking sakit. Bago pa man kami mapadpad doon sa VMMC, galing kami ng KAIROS - isang ospital dito sa may Muzon, San Jose del Monte Bulacan - upang magpacheck-up lamang.
Kinuhaan ako ng sampol sa ihi at dugo. Naghintay kami para sa resulta habang ang pakiramdam ko ay hilong-hilo’t parang ‘di na hihinto sa pag-ikot ang lahat. Nakapajamas pa ako na kay mama talaga, sweater na kay papa, cap at tsinelas lang. Para akong magbubukid noong dumaong kami sa ospital para magpacheck-up.
Naubos ang oras, natapos ang pasakit para maghintay. Lumabas ang resulta, at mukhang ‘di maganda.
Tinawag ako ni mama at kausapin na namin si doktora. Ayos lang daw sana kung sa ihi lang pagbabatayan, sapagkat wala daw problema’t tubig lang daw. Ang kaso, mataas ang WBC [White Blood Cell] sa dugo ko - kung saan marahil ay may impeksyon ang kung ano sa’kin at baka daw pneumonia - kaya’t kung gusto daw ay magpa-admit kami doon. Ngunit dahil ang aking ama ay pumapasok sa isang ospital - VMMC - tinawagan muna ni mama kung sa KAIROS nalang daw ba o dun ako ia-admit.
Nakapagdesisyon na, doon daw. Mantakin mo ang layo namin sa VMMC. Walang taxi din noong mga oras na ‘yon, kaya’t nag-commute pa kami. Nag-jeep, at nakasabay pa namin ang isa kong kaklase na si Ivan. Medyo nahiya ako kasi wala man lang akong ayos at talagang sobrang tamlay ng katawan ko. Gusto ko sana magbitaw ng biro, kaso ayaw lumabas ng boses ko, tila nagtatago din dahil may iniindang karamdaman.
Halos Tatlumpung (30) minuto din ang i-byinahe namin papuntang tungko. Umasa kami na sana ay may taxi na doon, ngunit wala pa rin. Medyo sumasama na lalo ang pakiramdam ko. Ang huling temperatura ko pa naman ay 40.3. Parang halos pinipilit ko na nga lang dumilat, kasi naiisip ko na kapag nakatulog ako, ‘di na ‘ko gumising pa.
Nagdesisyon nalang tuloy kaming mag-jeep ulit. Mga halos lampas Tatlumpung (30) minuto ulit. Ng makarating kami sa SM Fairview, kung saan siguradong may taxi na, doon naman na ako medyo nabawasan ng pagod. Mas magiging komportable na ang byahe, ‘di na mainit. Sa sobrang init ko eh parang pwede atang magluto ng itlog sa t’yan ko. Pero O.A naman nun.
Binaybay namin ang kalsada tungo sa VMMC. Mukhang okay naman, medyo mabilis din kaming nakarating, halos isang oras na byahe. Nakita ko na si papa sa labas ng E-Ward [Emergency Ward]. Oops! Doon lang kami dumaan, ‘wag kabado. At ‘yun, kaya kami napadpad ng VMMC na wala man lang ligo si mama’t kapatid ko. Mga nakapambahay lang lahat sa sobrang madali.
Dahil sa pagod na ‘ko sa byahe at mukhang nakahalata ang aking ama na nanghihina na ako, kukuha nalang muna daw s’ya ng wheelchair. Naghintay kami hanggang sa makabalik ulit s’ya. Noong makabalik s’ya ay may dala-dala na nga s’yang wheelchair at ‘yun, para akong prinsipeng itinutulak ng mga alagad. Pero may sakit, sobrang ‘di ko alam pakiramdam ko nung mga oras na ‘yon.
Tumungo kami sa X-Ray room, kung saan kailangan umakyat ng hagdan dahil nasa ibang palapag ito. Hindi na kami umikot pa dun sa may elevator para lang makaakyat, naghagdan nalang kami. Bumaba ako ng wheelchair, medyo gumewang ako ng lakad. Inalalayan ng aking ama pataas. Naghintay kami doon hanggang sa maging pagkakataon ko na upang maisalang sa X-Ray. Ayun, natapos ang X-Ray, nakita ‘yung picture nung X-Ray tapos hindi pa daw makukuha kasi babasahin pa daw ng kung sino para malaman kung ano ang sakit ko.
Baba na ulit kami. Kinuha ulit ang itinabing wheelchair. Balik ako sa wheelchair. At medyo nagutom kaming lahat, dahil simula Bulacan hanggang North, medyo malayong lakbayan ‘yon. Dumaan kami ng canteen ng VMMC. Sosyal. Aircon na. Maraming tao. Halos punuan. Bago pa man kami makapasok ng canteen ay sinasabi ko na sa aking ama na bilhan ako ng buko, buko ako ng buko. ‘Di ko alam ngunit pakiramdam ko kailangan kong makasipsip ng buko juice.
Bale hindi na kami sumubok makakuha ng pwesto doon sa canteen. Mistulang food court kasi sa mall ang dami. Doon nalang kami sa office ng aking ama kumain. Lugaw ang kinain ko, tapos buko juice ang panulak. Ayos, solb. Medyo nawala hilo ko. Dahil din siguro sa gutom kaya sobrang hilo ako nung mga pagkakataong ‘yon.
At dahil Labingpitong (17) taong gulang pa lamang ako, sa pediatrics ward pa rin ako nabibilang. Doon ang kasunod na tinungo ng aking mahiwagang wheelchair.
Naghintay kami doon ng medyo matagal. Kasi kumain daw si doktora Vidal. Medyo matagal talaga kasi nakatulog na ata ako sa wheelchair. Pagkatapos, maya-maya e nandyan na si doktora Vidal. Ayun, kinuhaan ako ng timbang, taas, impormasyon at pinisil-pisil ang ilang bahagi ng tyan ko. Pinakinggan ang paghinga ko sa harap at likod. Hindi ko alam ang ginagawa n’ya sa’kin, pero mukhang…… a ewan.
Pagkatapos noon ay may dalawang panibagong doktora ang pumasok. Nawala si naunang doktora. Si isang doktora at si doktora Velasco (Isa lang naalala ko e). Tapos si doktora Velasco na ‘yung nagbato ng kabi-kabilang tanong sa aking ina tungkol sa history ng aming angkan tungkol sa mga iba’t ibang sakit at kung anong history ko rin.
Tulad ng mga ginawa ni doktora Vidal sa’kin, ginawa ulit ‘yon ni doktora Velasco. Maya-maya’y pinalabas ang aking ina’t kapatid na bunso para iturok na sa’kin ang suhero(?) o dextrose. Hingang malalim *Inhale* - sabay naramdaman ang pagtusok ng karayom - *exhale*.
Dra. Velasco: Wala ka ginagawa sa bahay n’yo no?
Jazon: Naghuhugas po ng plato tsaka po nagwawalis *sabay ngiti*.
Dra. Velasco: Weh? E bakit pumutok agad ‘yung ugat mo?
Jazon: *Ngiti*
Sabay sinaksak na ulit sa’kin ‘yung dextrose. Bale, dalawang beses na akong sinaksakan kasi nga pumutok ‘yung ugat ko noong una. Medyo makirot ‘yung pagtusok, pero hindi s’ya masakit kapag nandun na. Dati rati, takot talaga ako sa mga ganyan, pero ngayon, wala na. Tapos doon ko nakita ngumiti si doktora Velasco, nagandahan ako bigla sa kanya. Haha.
Ayun, pagkatapos ikabit ang dextrose sa’kin, idiniretso na kami sa kwarto ko. Aircon, may sariling cr, dalawang kama. Ayos, parang nasa hotel lang. Pero dahil nga sa hindi namin inaasahan na gano’n ang mangyayari para sa araw na ‘yon, ‘di ko na nadala ang cellphone ko. Kaya naman kung may mga nag-text o nag-aalala (kung meron man) sa’kin e hindi ko agad ito nalaman.
Pagkatapos e nagpalipas ng oras ang aking ina’t bunsong kapatid bago umuwi’t para bantayan na rin ako. Habang si papa ay bumalik sa kanyang opisina upang magtrabaho ulit.
Madaming naglalaro sa utak kong kung ano-ano lang. Tulad ng ano kaya ang mangyayari kapag nakalabas na ulit ako dito sa ospital? Makakalabas pa nga kaya ako? O dito nalang magtatapos? May dadalaw kaya? O wala? Mga ilang araw kaya ang itatagal ko pa? Gusto ko na ba talaga umuwi o hindi?
Medyo madaming mga katanungan, ewan ko. Talagang lumipad lang lahat sa isipan ko ‘yung mga ‘yon. Tutal wala rin naman akong paglilibangan na iba.
Ito ang mga litrato ko noong unang araw ko sa ospital.


Halatang iniinda ko pa ‘yung sakit na dala ng karamdaman ko.
Natapos ang buong araw ng wala akong ginagawa. Kung hindi ang pagtitig sa kisame at pag-ubo-ubo sa gabi. Ayun, lumipas ang gabi’t naging umaga na ulit. Tumawag nga pala ang ilang kapatid ng aking ama tungkol sa aking kalagayan, na s’ya namang naging dahilan upang lalo pang gumaan ang loob ko.
Dumating ang rasyon ng pagkain (parang preso lang). Umalis na ang aking ama. Tumungo na sa kanyang opisina, at naiwan akong mag-isa habang hinihintay ang aking ina’t bunsong kapatid sa muli nilang pagdalaw.
Pagdating nila, may dala silang makapal na kumot, ni-request ko din kasi malamig sa gabi. Dala na rin nila ang aking cellphone. Ayun! Labing anim (16) na mensahe ang na-stock sa loob ng dalawang araw. Ito ang ilan sa mga mensahe.
19-Mar-2013 11:22 am
Tol kamusta ka na? Papasok ka pa ba?
- Ranz Jiero Pasagui
19-Mar-2013 9:53 pm
Mahal, ano nangyari sayo? :( Pagaling ka :( <3
- Jannah Sanchez (Ano na ba URL MO? Haha)
19-Mar-2013 10:33 pm
Get well soon Jazon Munar :D pag ppray kta mea bgo ku mtlog.
- Jhun Quiño
20-Mar-2013 12:41 am
magpagaling ka loko ka..
- Alitha Snow Eserjose (snowako.tumblr.com)
20-Mar-2013 6:36 pm
Papa nar :) miss na kita! Pagaling kana! Hehehe
- Darryl Ivan Bernardo
‘Yan ang ilan sa mga mensaheng nagudyok sa’kin na mas lalong bumilis sa paggaling. Nagpapasalamat ako sa mga taong nakaalala sa’kin. Nagpapasalamat din ako sa aking ina na nag-upload ng litrato ko sa facebook. Dahil kung hindi dahil sa pag-upload n’ya ng litrato sa internet, walang makakaalam ng kalagayan ko.
Ito nga pala ulit ang ilan sa mga litrato noong pangalawang araw ko sa ospital.

Tulog pa ata ako nito, ‘di ko maalala e. Enjoyin n’yo nalang ‘yung mukha ng bunso kong kapatid. Kung naguguluhan kayo’t nag-iba ang kama ko. Lumipat lang ako sa kabilang kama pero nasa iisang kwarto pa rin ako. Sa kadahilanang nahihirapan ako bumalik sa unang kama ko (dahil mataas) kapag magc-cr ako. Kaya napagdesisyunan kong lumipat nalang sa ibaba.

Ito na ‘yung litrato ko habang kumakain ng pananghalian. Fried Tilapia, pakwan, itlog na maalat at kamatis.

Litrato kung saan, ewan ko.

At ‘yung kamay ko. Kung mapapansin n’yo, nasa gilid ‘yung dextrose kasi nga nung una sa gitna isinaksak ‘yan, kaso pumutok agad ‘yung ugat kaya ayun, napilitan i-segway ni doktora d’yan sa gilid. Medyo maga na nga e, kasi ewan ko. Haha.
Hayan, dala na rin ng aking ina ang cellphone ng aking kapatid, ‘yung may tv. Pinadala ng aking ama. Wala din kasi talagang mapaglibangan doon sa ospital lalo na’t mag-isa lang ako madalas. Ang aking ama ang gumamit noon tuwing gabi upang manood ng balita at ilang teleserye sa gabi.
Pangatlong araw na… ganoon ulit ang ikot ng buhay ko. Nakatunganga lang, natingin sa kisame, naglaro ng cellphone, nagpatugtog, kumain, natulog, tuwing iihi ilalagay muna sa container na may ml ml na sukat (kasi ire-record kung gaano karami ‘yung ihi ko e), tapos higa, tulog ulit, kain. Ganoon lang. Dumating ulit sila mama, bali thursday na ‘yon. Hindi ko alam pero parang naging isa na ako sa kwarto. Tila nasanay na ako sa ganoong tanawin, sa ganoong kapaligiran.
Noong pangatlong araw, naligo na ako. Pinaluguan ako ng aking ama na parang isang batang isang taong gulang lamang. Hubo’t hubad. ‘Di na ako nahiya dahil sa magulang ko naman iyon. Haha, pero natatawa pa din ako kapag naiisip ko ngayon ‘yung mga nangyari. Pagkatapos nung nadumi ako, s’ya rin ang naghugas. Mahal na mahal ako ng aking ama <3.
Pagkatapos ay dumating ang aking dalawang lola. Si Lola Cecille at Lola Pining. Ayun, oks naman. Gusto ko sana dumekwat ng libro kay lola, binibigyan na nga ako e, kaso ayoko din. ‘Di ko rin mababasa doon, dahil medyo nahihilo din ako kapag nagbabasa ako. Kaya ayun, sabi ko next time nalang.
Kinabukasan ay Biyernes na, recognition na ng dalawa kong kapatid. Kaya agad sinabi ng aking ina na hindi s’ya makakapunta bukas sa ospital. Gusto nga sana ng aking bunsong kapatid na makadalo sa kanilang timapalak ang aking ama ngunit hindi naman maaari dahil wala namang magbabantay sa’kin. Doon ko naramdaman ang lungkot na nararamdaman ng aking kapatid. Dahil kung ako dati, nandoon at kumpleto ang pamilya kapag recognition, sa kanya ay naipagkait. Sa mga pagkakataong iyon ko naramdaman ang kakulangan ko bilang isang kuya, at bilang isang anak, bilang isang myembro ng pamilya.
Sa totoo lang, nanghihinayang ako sa pagkakataon na napalampas ng aking ama ng dahil lang sa’kin. Nalungkot ako ng tunay para sa kapatid ko. Medyo nakukulitan na nga ang aking ina, ngunit nasa isip ko ay ‘di naman masisisi na humaba ang nguso ng bunso namin sapagkat iyon ay isang mahalagang araw para sa kanya.
Natapos ang araw na ‘yon, medyo lumikot ang isip. Nag-isip nanaman. Nag-isip ng nag-isip, hanggang sa sumakit nanaman ang ulo. Tumigil na rin sa pag-inom ng paracetamol dahil masama daw pala sa atay. Tip nga pala, masama daw sa atay ‘yung pag-inom ng Alaxan.
Lumipas ang mga araw, hanggang sa makalabas na ako noong Marso 23, 2013. Nais ko muna sanang silayan sa huling sandali sa Doktora Velasco, kaso wala e. Gusto ko sana pa-picture, haha. At eto, medyo seryoso, kasi nga medyo matagal din ako doon. Noong sinabing makakauwi na ulit ako, ‘di ko alam ‘yung naramdaman ko. Masaya ako, syempre makakauwi na ulit ako. Pero nandoon ‘yung pakiramdam na nasanay na ako sa isang lugar, na napamahal sa’kin. ‘Yung mga taong nagbigay halaga, nagmonitor, naghatid ng pagkain, nakipagkwentuhan, nag-check, lahat sila, naging parte ng buhay ko. Kaya nahirapan ako. Hindi ako makangiti habang palabas na kami. Ayoko sana, ayoko pa, pero kailangan, at ayoko na din mag-stay, pero ‘yung mga taong nakasalamuha ko na sobrang babait, doon ako nalulungkot.
Naiisip ko na sana, next time e magkita ulit kami, upang makahingi naman ako ng pasasalamat….. at makapagpapicture kay doktora Velasco.
Nga pala, salamat ulit sa mga nag-alala at ilang mga bumola dahil sa nalamang may sakit ako.
Kung may natutunan man ako sa nangyari, e, yun ‘yung ang pamilya pa rin sa huli ang masasandalan at ang magiging sandigan mo pagdating ng mga problema. Kung mayroon mang mga tampuhan, ayusin agad. Mas masaya kung walang conflict sa magkakapamilya. Ngayon, mas natutunan ko na lalo i-value ang bawat pagkakataon na kasama ko ang pamilya. Na kung dati ay inaayawan ko ang pagkakataong makasama ko sila, ngayon ay hinahanap-hanap ko na. At oo nga pala, ‘wag abusuhin ang sarili. Kung may pagkakataon magpakasaya, ‘wag sobra-sobra. Kailangan sakto at balanse pa rin ang lahat. Tipong well-mixed.
Tsaka natutunan kong may thermometer pala para sa tenga at instant ‘yung temperature na makukuha mo.